Answers

2016-01-12T19:57:23+08:00
Oh, Birheng kaibig-ibig 
Ina naming nasa langit, 
Liwanagan yaring isip
Nang sa layo’y di malihis.

Ako’y isang hamak lamang
taong lupa ang katawan,
mahina ang kaisipan 
at maulap ang pananaw.

Labis yaring pangangamba
na lumayag na mag-isa, 
baka kung mapalaot na 
ang mamangka’y di makaya.

Kaya, Inang matangkakal
ako’y iyong patnubayan,
nang mawasto sa pagbanghay 
nitong kakathaing buhay.

At sa tanang naririto 
nalilimping maginoo 
kahilinga’y dinggin ninyo
buhay na aawitin ko.

Noong mga unang araw 
sang-ayon sa kasaysayan, 
sa Berbanyang kaharian
ay may haring hinangaan.

Sa kanyang pamamahala 
kaharia’y nanagana
maginoo man at dukha 
tumanggap ng wastong pala.

Bawa’t utos na balakin
kaya lamang pairalin, 
kung kaniya nang napaglining.
Kaya bawat kamalian, 
bago bigyang kahatulan 
nililimi sa katuwiran.

Pangalan ng haring ito 
ay mabunying Don Fernando. 
sa iba mang mga reyno 
tinitingnang maginoo.

Kabiyak ng puso niya 
ay si Donya Valeriana, 
ganda’y walang pangalawa 
sa bait ay uliran pa.

Sila ay may tatlong anak, 
tatlong bunga ng pagliyag 
binata na’t magigilas, 
sa reyno ay siyang lakas.

Si Don Pedro ang panganay 
may tindig na pagkainam, 
gulang nito ay sinundan 
ni Don Diegong malumanay.

Ang pangatlo’y siyang bunso
si Don Juan na ang puso
sutlang kahit na mapugto
ay puso ring may pagsuyo.

Anak na kung palayawan 
Sumikat na isang Araw, 
kaya higit kaninuman, 
sa ama ay siyang mahal. 

Salang mawalay sa mata 
ng butihing ama’t ina
sa sandaling di makita 
ang akala’y nawala na.
0