Answers

2016-06-10T23:31:18+08:00

sorry copy/paste ko lang bka sakaling makatulong 

Ang Magandang Dulot nang ALS sa Akin

Ang Alternative Learning System (ALS)  ay naglalayong makapagbigay ng panibagong pag-asa sa mga nagnanais na makapagtapos ng pag-aaral. Wala itong pinipiling edad, kaya bata man o matanda ay malaya na muling mangarap na makapagtapos ng elementarya at hayskul. Lalo na iyong mga mahihirap na katulad ko na mas pinili munang maghanap-buhay kaysa mag-aral para tugunan ang kalam ng tiyan ng aming mga pamilya.

Bata pa lang ako ay ramdam ko na ang kahirapan sa buhay ng aking pamilya, kaya naman sa murang edad ay natuto na akong magtrabaho. Siyam na taong gulang ako ng ako ay magtinda ng plastic, mag-labandera, at maging taga-igib ng tubig ng aming mga kapit-bahay. Kasabay nito ang aking pag-aaral, pero hindi pa rin sumasapat ang aking kinikita. Ito ang dahilan kung bakit ko napilitang huminto ng aking pag-aaral.

Isinama ako ng aking tiyahin na lumuwas sa Maynila. Nagbabaka-sakaling may naghihintay na magandang kapalaran sa akin sa lungsod na ito. Nang makarating ako dito ay pumasok ako bilang isang kasambahay. Minsan ay naikwento ko sa aking mga amo na gusto kong mag-aral ulit at pinayagan naman nila ako.

Nag-enroll ako sa ALS sa Paranaque pero sa kasawiang-palad ay hindi ako nakapasa sa Accreditation at Equivalency Test (A&E).  Hindi ako nawalan ng pag-asa, muli akong nag-enroll sa ALS nang sumunod na taon, pero sa pangalawang pagkakataon ay hindi na naman ako nakapasa.

Nawalan na ako ng pag-asang makakapagtatapos pa ng pag-aaral nang mga panahong iyon. Sumabay pa ang aking pagkakasakit na naging sanhi ng aking pag-alis sa aking pinagtratrabahuhan. Masakit sa akin na iwan ang pamilyang naniwala na ako ay makapapasa sa ALS A&E Test at magkakaroon ng magandang kinabukasan.

Umuwi ako sa bahay ng aking tiyahin kung saan ako nagpagaling. Lubos ang aking pasasalamat sa kanya dahil ako ay kanyang inalagaan. Noong ako ay magaling na, muli akong umalis upang maghanap ng trabaho. Hindi nagtagal, ako ay nakapasok muli bilang isang kasambahay. Naglakas-loob ulit akong nagpaalam sa aking amo na gusto kong mag-aral muli. Pumayag naman sila ngunit hindi na buo ang aking matatanggap na sahod.

Napagtanto ko na hindi pa huli ang lahat sa akin. May malaking pag-asa sa puso ko na ako’y makatatapos ng aking pag-aaral. Sa ngayon, kasalukuyan akong nag-aaral sa ALS sa Maynila upang matupad ang aking pangarap na makapag-tapos ng pag-aaral. Naniniwala ako na habang may buhay pa tayo ay may pag-asa pa na makamit natin ang mga minimithi natin sa buhay, basta lakipan lang ito ng pagsisikap at magpursige sa pag-aaral.

Napakaganda ng naidulot ng ALS sa aking buhay dahil ito ang nagsilbing tulay sa akin upang makapg-aral muli habang ako ay angta-trabaho. Tunay ngang ang ALS ay nagbigay ng ibayong pag-asa hindi lang sa akin, kundi sa lahat ng mamamayang Pilipinong nais makapagtapos ng pag-aaral.

0