Answers

2016-06-28T21:17:05+08:00
Mga Publikasyon sa Tagalog (2000-2016)

Mag-type ng Paksa
MAGHANAP
g01 12/8 p. 16-20
Myanmar—Ang “Ginintuang Lupain”
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA MYANMAR

MATATAGPUAN sa pagitan ng mga hanay ng bundok na bumubuo ng isang likas na hangganan kasama ng katabing mga bansa nito sa Asia ang “Ginintuang Lupain.” Sa timog-kanluran, ang Bay of Bengal at ang Andaman Sea ay humahampas sa halos mahigit na 2,000 kilometro ng dalampasigan nito. Sa kanluran masusumpungan ang Bangladesh at India; sa hilaga, ang Tsina; at sa silangan, ang Laos at Thailand. Ito’y mas malaki nang kaunti sa Madagascar at mas maliit sa estado ng Texas sa Hilagang Amerika. Ang pangalan ng lupaing ito? Myanmar, ang dating Burma.

Tinatawag na Ginintuang Lupain ng unang mga nanirahan dito, maraming kayamanan ang Myanmar: langis at gas, tanso, lata, pilak, tungsten, at iba pang mineral, at gayundin ang mahahalagang bato, tulad ng mga sapiro, esmeralda, rubi, at jade. Kabilang sa iba pang mga kayamanan nito ang tropikal na maulang mga kagubatan na may mga kahoy na bihirang makita, tulad ng teak, rosewood, at nara. Ang mga kagubatang ito ay tahanan din ng maraming hayop sa ilang—mga unggoy, tigre, oso, kalabaw, at elepante ang ilan sa mga ito. Ngunit ang tunay na kayamanan ng Ginintuang Lupain ay ang mga mamamayan nito.

Ang mga Mamamayan ng Myanmar
Likas na mahihinahon at mapapayapa, ang mga mamamayan ng Myanmar ay may mabuting pag-uugali at mapagpatuloy. Pinakikitunguhan nila ang mga panauhin nang may paggalang at dignidad. Karaniwan nang tinatawag ng mga bata ang nakatatandang mga lalaki na tiyo at ang nakatatandang mga babae na tiya.

Ang mga nagpupunta sa Myanmar ay madalas na nagkokomento sa makikinis na kutis ng mga may-edad na. Ang isang dahilan ng malasutlang kutis na ito, halimbawa sa mga babae, ay ang popular at mapusyaw-na-gintong kosmetiko sa mukha—ang thanaka—mula sa puno ng thanaka. Sa pamamagitan ng paggiling ng isang piraso ng sanga sa isang matigas at lapád na bato at pagdagdag ng kaunting tubig, nakagagawa ang mga babae ng isang pinong balsamo, na kanilang ipinapahid nang may artistikong mga disenyo sa kanilang mukha. Bukod sa ito ay nakababawas ng mga kulubot at nakapagpapalamig, ipinagsasanggalang din ng thanaka ang balat mula sa masakit na tama ng tropikal na araw.

Ang karaniwang pananamit para sa lalaki’t babae sa Myanmar ay ang lungi, na madaling ginagawa sa pamamagitan ng pagtatahi sa isang piraso ng tela, na may dalawang metro ang haba, sa magkabilang dulo nito upang bumuo ng isang bilog. Pagkatapos na isuot ito, ibinabalot ng isang babae ang lungi sa kaniyang puson, kagaya ng palda, at isinusuksok ang nakakalag na dulo nito sa kaniyang baywang. Sa kabilang dako naman, kinukuha ng lalaki ang dalawang dulo at may-kaluwagang itinatali ang mga ito sa baywang sa harapan. Mahinhin at presko sa katawan, angkop na angkop ang lungi para sa mga tropikong lugar.

Ipinakikita ng isang pagdalaw sa mga pamilihan na ang mga mamamayan ng Myanmar ay nagtataglay ng maraming kakayahan—dalubhasa sa paghahabi ng seda, paggawa ng alahas sa pamamagitan ng kamay, at pag-ukit ng kahoy. Ang teak, nara, at iba pang kahoy ay nagiging nakapupukaw-pansing mga pigura ng mga tao, tigre, kabayo, kalabaw, at elepante. Maging ang pang-araw-araw na mga bagay tulad ng mga pang-ibabaw ng mesa, dibisyon ng kuwarto, at upuan ay pinapalamutian ng masasalimuot na ukit. Ngunit kung ikaw ay seryoso sa pagbili nito, dapat na handa kang makipagtawaran!

Ang mga mamamayan ng Myanmar ay magaling din sa paggawa ng maririkit na pinalamutiang mga bagay na binarnisan—mga mangkok, bandehado, at kahon na may takip. Pero ang nagpapangyari sa mga paninda nila na maging kakaiba ay ang kanilang uwidong disenyo at mga inukit na padron. Ang pangunahing anyo ay nagsisimula sa tulad-gasang habi ng pinong mga piraso ng kawayan. (Ang mas mataas na kalidad na mga produkto ay nagsisimula sa pinagsamang habi ng kawayan at buhok ng kabayo.) Sa balangkas na ito, ang bihasang manggagawa ay nagdaragdag ng pitong pahid ng barnis, na ginawa sa pamamagitan ng paghahalo ng langis ng thisei, o puno ng barnis, at ng sinunog na buto ng hayop na giniling nang pino.

Kapag tuyo na ang barnis, inuukit ng dalubhasa ang isang disenyo sa ibabaw ng produkto sa pamamagitan ng isang aserong pluma. Pagkatapos, pagkapahid ng kaunting pintura at pampakintab, ang resulta ay hindi lamang isang mainam na likha ng sining kundi isa ring bagay na magagamit sa tahanan.
0