Answers

2016-06-21T08:43:19+08:00

Ang Republika ng Indonesia (Indones: Republik Indonesia, bigkas: /ˌɪndoʊˈniːziə/ o /ˌɪndəˈniːʒə/), ay isang bansa sa Timog-silangang Asya. Ito ay binubuo ng 17,508 mga pulo, at ito ang pinakamalaking estado sa buong daigdig na binubuo ng isang kapuluan. Tinatantiya na nasa 238 milyong katao ang populasyon ng Indonesia,[2] na pang-apat sa mga pinakamataong bansa sa mundo, at ang pinakamataong bansang Muslim; subalit walang opisyal na pananampalataya ang itinakda sa Saligang Batas ng Indonesia. Isang republika ang Indonesia, na may inihahalal na tagapagbatas (lehislatura) at pangulo. Ang kabisera ng bansa ay Jakarta. Pinapaligiran ang Indonesia ng Papua New Guinea, East Timor at Malaysia, at kinabibilangan rin ang Singapore, Pilipinas, Australya, at ang Kapuluang Andaman at Nicobar ng Indiya bilang mga kalapit na bansa at teritoryo.

Ang kapuluan ng Indonesia ay naging isang mahalagang rehiyong pangkalakalan simula pa noong ika-7 siglo, kung kailan ang Srivijaya at paglaon Majapahit ay nangangalakal sa Tsina at Indiya. Ang mga katutubong mga pinuno ay lumaong niyakap ang kulturang Indiyano, relihiyon at modelong pampolitika mula sa mga sinaunang siglo, at lumaganap ang Hinduismo at Budismo sa kapuluan. Naimpluwensiyahan rin ang kasaysayan ng Indonesia ng mga makapangyarihang banyaga dahil sa likas yaman nito. Dinala ng mga mangangalakal na Muslim ang Islam, na ngayon ay naging dominante sa kapuluan, habang ang mga makapangyarihang Europeo ang nagdala ng Kristiyanismo at nakipaglaban para monopolisahan ang kalakalan sa Kapuluang Maluku (Moluccas) noong Panahon ng Pagtuklas. Ito ay sinundan ng tatlo't kalahating siglo ng kolonyalismo sa ilalim ng mga Olandes. Natamasa ng Indonesia ang kanilang kasarinlan pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang kasaysayan ng Indonesia noon pa man ay magulo, at sinubok ng maraming kalamidad, suliranin, banta ng separatismo, at ng panahon ng mabilisang pagbabago at paglago ng ekonomiya.

May magkakaibang mga pangkat na etniko, wika at diyalekto, at pananampalataya ang mga iba't-ibang pulo at kapuluan ng Indonesia, ngunit ang Habanes ang pinakamalaki – at pinakadominanteng – pangkat etniko. Bilang isang bansang unitaryo, bumuo ang Indonesia ng isang pagkakakilanlan gamit ang isang pambansang wika, dibersidad ng mga pangkat etniko, pagpapakilala sa mga ibang relihiyon kahit kung nakararami ang mga Muslim, at isang kasaysayan ng kolonyalismo at rebelyon laban dito. Ang pambansang kasabihan ng Indonesia, ang "Bhinneka tunggal ika" ("Pagkakakaisa sa Pagkakaiba", na literal na "marami, subalit isa"), na nagsasabi na ang pagkakaiba ang bumuo sa bansa. Subalit ang mga tensiyon sektarya at separatismo ay nagdulot ng marahas na paghaharap na gumimbal sa katatagan ng politika at ekonomiya. Sa kabila ng laki ng populasyon at dami ng tao sa rehiyon, malaki ang teritoryo ng Indonesia: kilala ang bansa bilang pangalawa sa mga bansang may pinakamataas na saribuhay sapagkat kay lawak ng mga parang nito. Biniyayaan ang bansa ng likas na yama, subalit nilalarawan din ng kahirapan ang Indonesia sa kasalukuyan.

0