Answers

2016-06-21T15:59:03+08:00

Bansang nakahimlay sa rehiyong tropiko at nasa kanlurang panig ng Karagatang Pasipiko ang Pilipinas, at may 100 kilometro ang layo mula sa kontinente ng Asya. Taglay nito ang tinatayang 7,107 pulo, na mahahati sa tatlong bahagi: Luzon, Visayas, at Mindanao.

Matatagpuan sa pagitan ng 116° 40' at 126° 34' S. longhitud, at 4° 40' at 21° 10' H. latitud, ang Pilipinas. Nasa hilaga nito ang Kipot Luzon; angKaragatang Pilipinas sa silangan; ang Timog-Karagatang Tsina at Dagat Sulu sa kanluran; at ang Dagat Celebes sa timog. Naroroon ang Indonesia sa katimugang bahagi ng bansa, at ang Malaysia naman sa timog-kanluran. Sa silangan nakalugar ang Palau at sa hilaga matatanaw ang Taiwan.

Mainit at maalinsangan ang klima ng Pilipinas tuwing tag-araw na magsisimula mulang Pebrero hanggang Mayo. Samantalang mahalumigmig kung tag-ulan na sumasapit tuwing Hunyo hanggang Setyembre. Magsisimulang umihip ang hanging amihan pagdating ng Oktubre, bagaman ang ilang bahagi ng kapuluan ay makararanas ng paminsan-minsang pag-ulan. Angkop na angkop ang naturang klima para sa pagsasaka, paghahayupan, pagbubuo ng industriya, at kahit sa paglalakbay.

Humigit-kumulang na nasa 26.5° sentigrado ang temperatura ang umiiral sa buong taon.

Iba-iba ang topograpiya ng bawat rehiyon, na matarik mulang Cagayan, gagapang pababa sa Pampanga, magkakabitak-bitak sa Bikol at Kabisaan, hanggang umakyat muli sa Mindanao pagsapit sa Bundok Apo na may taas na 2,954 metro. Binubuo ng kagubatan, sari-saring tubigan, at iba't ibang uri ng lupa ang Pilipinas na malimit angkop sa agrikultura, minahan, turismo, agham, at iba pa.

0