Answers

2016-07-15T13:38:51+08:00
Mapapansin na ang kontinente ng Asya ay halos napapaligiran ng mga karagatan at mga dagat. Isa-isahin mo ang mga ito. Masasabi mo ba na malaking bahagi ng hangganan ng Asya mula sa iba pang mga kontinente ay mga anyong tubig? Ang mga karagatan at mga dagat na ito ay gumaganap ng mahalagang papel sa pamumuhay ng mga Asyano dahil ang mga ito ay nagsisilbing likas na depensa, rutang pangkalakalan at sa paggagalugad, at pinagkukunan ng iba’t-ibang yamang dagat at yamang mineral. Ang mga baybay-ilog ng Tigris at Euphrates, Indus, at Huang Ho ang nagsilbing lundayan ng mga sinaunang kabihasnan hindi lamang sa Asya kundi sa buong daigdig. Maraming mga ilog ang dumadaloy sa Asya at patuloy na nagbibigay kapakinabangan sa tao gaya ng Lena, Ob, Irtysh, Yenisey, Angara, Yana, Indigirka, at Kolima na pawang mga na Russia at umaagos sa Arctic Ocean; ang Anadyr at Amur sa Russia, Huang Ho, Yangtze, at Hsi sa China, Song Hoi An at Mekong sa Vietnam, at Chao Phraya sa Thailand ay ang mga ilog na umaagos sa Pacific Ocean. Dumadaloy naman sa Indian Ocean ang mga ilog ng Irrawaddy sa Myanmar, Ganges (ang sagradong ilog ng mga Hindu sa Varanasi, India) sa Bangladesh at Hilagang India, Indus sa Pakistan, at Shat al-Arab sa Timog Iraq, gayundin ang Salween na bumabagtas sa maraming bansa sa pangkontinenteng Timog Silangang Asya, at ang Brahmaputra na umaagos naman sa maraming bansa sa Timog Asya. Ang Amu Darya (pinakamahabang ilog sa Gitnang Asya, 2,620 kilometro), Syr Darya na umaagos sa Kyrgyzstan, Uzbekistan, at Kazakhstan; ang Tarim sa Xinjiang sa China; I-li na umaagos sa Xinjiang patungong Kazakhstan; Chu sa Kyrgyzstan; Tedzhan sa Turkmenistan; at Gilmend sa Afghanistan ay ang ilan sa mga ilog na matatagpuan sa Hilaga o Gitnang Asya. Apat na katangi-tanging dagat at lawa ang matatagpuan sa Asya: ang Caspian Sea (hilagang Iran, Kazakhstan, Turkmenistan, Azerbaijan, Armenia, at Gergia, 371,000 kilometro kwadrado) na pinakamalaking lawa sa mundo; ang Lake Baikal (timog silangang Siberia, 31,500 kilometro kwadrado) na siyang pinakamalalim na lawa; ang Dead Sea (hanggangan sa pagitan ng mga bansang Israel at Jordan, 1,049 kilometro kwadrado) na pangalawa sa pinakamaalat na anyong tubig sa buong daigdig; at ang Aral Sea (hangganan ng mga bansang Uzbekistan at Kazakhstan, 64,750 kilometro kwadrado), ang pinakamalaking lawa sa Asya. Gaya ng iba pang anyong tubig sa Asya, ang mga lawang ito ay nakapagdulot din ng paghubog sa uri ng pamumuhay ng mga naninirahan doon.
0