Answers

2016-07-17T09:41:00+08:00
Ilang pantig ang "MGA"?
Pinag-usapan kamakailan sa grupo ng mga guro sa Facebook.

TANONG:
Mga kasamahan ko po sa pagtuturo ng wika, nais ko lamang po sanang maliwanagan, Ilang pantig po ba ang salitang "MGA"? Ayon po...(sa) ibang aklat, isang pantig lamang ito habang iba naman ang nakasaad sa mga aklat at mga kasamahan. Ano po kaya ang sagot? Salamat po.


SAGOT:

Pasensya na po hindi ako sang-ayon na isang pantig lang ito. Ang batayan po ng pagpapantig ay tunog pa rin. At dahil dalawang pantig po ang naririnig natin, dalawang pantig ito.

Dagdag pa rito hindi makikita ang salitang 'mga' sa Vocabulario de la lengua tagala (de Noceda at de Sanlucar 1860). Ngunit naroon ang salitang 'manga' na ang depinisyon ay 'particula de plural' o 'plural particle' sa Ingles.

Ang maaari lang nating maging kongklusyon ay, dahil gamit na gamit ito sa ating pagsusulat, pinaikli na ito. (Katulad nito ang pananaw ni G. Ron Capinding sa kanyang Ikaw at ang Kawili-wiling Wika). Sa ganitong paraan, katulad ito ng 'subalit' na galing sa 'subali at' at ng 'bakit' na nanggaling sa 'bakin at'.

Kaya naman ang depinisyon ng 'mga' sa UP Diksiyonaryo ay 'makabagong anyo ng "manga"'. Malinaw rin sa pagpapantig sa diksiyonaryong ito na binubuo ito ng dalawang pantig. (ma-ngá)

Mabuhay ang mahiwagang wikang Filipino!
0