Answers

2016-07-24T14:20:08+08:00

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ITALYA

Gunigunihin ang isang likas na materyales na agad na nagagawang makinis at kaakit-akit na mga hugis—materyales na dahil sa ganda, linaw, at iba’t ibang kulay na guhit nito ay napakagandang ukitin upang gawing kaakit-akit na mga pigurin. Alam mo ba kung ano ito?

INILALARAWAN namin ang alabastro. Wala pa kaming gaanong alam tungkol sa batong ito hanggang sa pumasyal kami sa tradisyonal na sentrong pagawaan nito sa Italya—ang lunsod ng Volterra sa Tuscany.

Ang inukit na alabastro ay may mahabang kasaysayan sa Volterra, mula pa noong panahon ng mga Etruscano, na siyang mga naunang nanirahan sa lugar na iyon. Kabilang sa maraming sinaunang produktong hinangaan namin sa Etruscanong museo roon ay ang daan-daang alabastrong urna—rektanggular na mga batong kahon na lagayan ng abo ng sinunog na bangkay—na may petsang mula ikaapat hanggang unang siglo B.C.E. Ang mga batong kahon na ito ay nagagayakan ng mga nakaumbok na ukit, na karaniwang naglalarawan ng diumano’y paglalakbay ng namatay tungo sa kabilang buhay.

Mangyari pa, hindi lamang mga Etruscano ang gumagamit ng alabastro noong sinaunang panahon. Palagi rin itong ginagamit ng mga Ehipsiyo. Gayunman, may pagkakaiba sa kemikal na sangkap ng oriental na alabastrong ito—na tinutukoy rin sa Bibliya—at ng mas malambot na parang-tsok na alabastro ng Volterra.

Gamít na gamít din ang marmol sa sinaunang Griego at Romanong sining, subalit kung ihahambing sa “espesyal” na materyales na ito, ang parang-tsok na alabastro ay itinuturing na mahinang uri. Ito’y mas malambot, mas madaling mabasag na bato, madaling magasgas, kung kaya ang gamit nito sa arkitektura at sining ay palagi nang segunda lamang sa marmol. Ang mga alabastrong eskultura ay hindi puwedeng nakalantad sa labas. Sa arkitektura, ang alabastro ay karaniwan nang nakalagay sa loob. Pero, palibhasa’y madaling iporma ang alabastro, bagay na bagay itong ukitan ng pagkaliliit na mga detalye.

1 5 1