Answers

2016-07-24T14:27:06+08:00

ANG Copper Canyon ay isang likas na kababalaghan na matatagpuan sa hanay ng mga bundok na kilala bilang Sierra Madre Occidental na nasa hilagang Mexico, at ito’y sumasaklaw sa humigit-kumulang 50,000 kilometro kuwadrado, na ang lawak ay halos kasinlaki ng Costa Rica.

Gayunman, ang pangalan ay medyo nakalilinlang. Ang Copper Canyon ay hindi iisang canyon kundi kawing-kawing na 20 magkakarugtong na mga canyon. Ang isa sa mga ito ay ang Copper Canyon na siyang pinagkunan ng pangalan ng buong kayarian na ito. Ayon sa manggagalugad na si Richard Fisher, di-kukulangin sa tatlo sa mga canyon na ito ang mas malalim kaysa sa Grand Canyon sa Estados Unidos.*

Dahil sa pambihirang lawak at laki ng Copper Canyon, ilan lamang sa napakaraming likas na tanawan nito ang maaaring mapuntahan ng karamihan sa mga turista. Ang pinakakahanga-hangang tanawin ay ang bista ng mga canyon ng Copper, Sinforosa, at Urique. Gayunman, ipinapalagay ng ilang tao na ang pinakamagandang tanawin ay makikita sa Divisadero, kung saan makikita ang pagkalawak-lawak na tanawin ng magkakasamang mga canyon ng Copper, Urique, at Tararecua.

Iba’t Ibang Klima

Ang biglang pagbabago ng taas ay nakaaapekto sa klima at mga pananim sa Copper Canyon. Naranasan mismo ito ni Miguel Gleason nang siya at ang isang grupo ay bumaba sa Urique Canyon. Sa magasing México Desconocido, siya’y sumulat: “Nadama namin ang init, at nawala ang kagubatan ng punong pino, anupat tumambad ang tropikal na mga pananim na doo’y may mga saging, abokado, at maging mga kahel. Hindi kami makapaniwala. Sapat nang sabihin ko na sa buong buhay ko, hindi pa ako kailanman nakapaglakbay mula sa isang malamig na kagubatan tungo sa mainit na subtropikong lugar sa gayong kaikling panahon at distansiya.”

Ang matataas na talampas ng mga canyon ay nababalutan ng 15 uri ng punong pino at 25 uri ng mga punong oak. Mayroon ding mga punong poplar at juniper sa Copper Canyon. Sa panahon ng tag-init, namumutiktik ang iba’t ibang uri ng bulaklak sa buong tagaytay, na ang ilan sa mga ito ay kinakain o ginagamit bilang likas na gamot ng mga naninirahan sa lugar na iyon, na kilala bilang mga Tarahumara. Sa altitud na mahigit na 1,800 metro mula sa kapantayan ng dagat, ang klima sa tagaytay ng mga bundok ay nag-iiba-iba mula sa katamtamang klima hanggang sa malamig na klima sa kalakhang bahagi ng taon. May uláng tikatik at manaka-nakang pag-ulan ng niyebe kung panahon ng taglamig.

Habang bumababa ang mga bisita, mapapansin nila na mayroon nang iba’t ibang uri ng puno at mga cactus. Sa mas ibaba pa, madarama ang subtropikong klima na may kasiya-siyang mga taglamig na ang katamtamang temperatura ay 17 digri Celsius. Sa kabaligtaran, maalinsangan naman ang mga tag-init sa lugar na ito, yamang ang temperatura ay nagbabagu-bago sa pagitan ng 35 at 45 digri Celsius, na may malalakas na pag-ulan na pumupunô sa mga ilog hanggang sa umapaw ang mga ito.

Ang kagandahan ng lugar ay lalong pinatingkad ng dalawang maringal na talon. Ang Piedra Volada, isa sa pinakamataas na talon sa daigdig, ay bumabagsak mula sa taas na 453 metro, at ang Basaseachic ay bumabagsak mula sa taas na 246 metro.

0