Answers

2016-08-01T16:40:05+08:00
Ang Pangasinan ay may ibat-ibang kaugalian at pamumuhay. Tulad na lamang sa Bolinao,Pangasinan, ang sinaunang pamumuhay ng mga tao rito ay ang pangingisda. Hindi ito maikakaila sapagkat napapaligiran ito ng mga anyong tubig tulad ng mga dagat,ilog atbp. Ganoon din sa bayan ng Agno at Lingayen . Bawat lugar ay may ipinagdiriwang tuwing piyesta. Noong una pa lamang ay pangingisda na ang ikinabubuhay ng mga taong malapit sa mga baybayin at maging sa ngayon ay pangingisda pa rin at dahil sa pagiging modernisado natin ngayon ay ay nakakagawa na rin sila ng mga porselas na gawa sa kabibi at iba pang mga palamuti na may ibat-ibang disenyo na maaaring gawing dekorasyon sa bahay. Sa bayan naman ng Bani, karaniwang ipinagdiriwang dito ang bibingka festival at pakwan festival. Noong una ang kanilangidinaraos ay ang bibingka festival kung saan makikita ang pagtatagisan ng galing sa pagsasayaw ng ibat-ibang kalahok na mula rin sa bayang ito. Maraming makukulay at nagsisigandahang kasuotan ang gamit ng bawat kalahok sa paligsahan na animo'y kasuotan pa ng matatanda noong nakaraan. Nung nakaraang taon nama'y ipinagdiwang rin ang pakwan festival kung saan gumamit pa ang ibang kalahok ng pakwan bilang kagamitan sa pagpapaganda ng presentasyon. Kilala ang bayan ng Bani sa prutas na pakwan. Ang mga pakwan na ito'y malalaki,matatamis,pabilog ang hugis,matubig at mabigat. Sa barangay ng Banog sinasabing may maraming plantasyon ng pakwan. Pangunahing ikinabubuhay ng mga tao sa bayan ng Bani ay ang agrikultura. Malapit ito sa mga kapatagan at kabundukan . Karaniwang produkto na itinatanim rito ay ang palay,mais,pakwan,mangga at tubo. Maraming mamamayan ang lubos na umaasa sa mga kapaligiran. Sila'y nagtatanim ng ibat-ibang klase ng gulay tulad ng ampalaya,kalabasa,talong,okra,sitaw atbp na itinitinda nila sa mga palengke upang may pantustos sa mga pangangailangan nila sa araw-araw. Sinasabing noong unang panahon, ang bawat pananim ay hitik na hitik sa mga bunga na sa ngayon ay di na gaano dahil sa papalit-palit na klima epekto ng Global Warming. Mrami rin ang mga nag-uuling sa kabundukan kaya't kapag may malakas na bagyo o matagalang pag-ulan ay may mga bayang nalulubog sa baha tulad ng San Jose at Arwas. Sa paraan naman ng pananamit sa bayang ito makikita ang pagkakonserbatibo ng mga matatanda noong una. Sa mga babae ang mga kasuotan ay bestida,kimona at pandiling.Hinda sila nagsusuot noon ng mga pantalon sapagkat ito'y panlalaki. Sa mga lalaki naman ay mga damit na may mahahabang manggas na kung minsan ay ginagamit nila sa pagsasaka,sando at hindi kapit na pantalon o barong tagalog.Simple lamang noon ang kanilan pananamit. Sa kasalukuyan naman dahil sa pagiging modernisado ng ating bansa,iilan na lamang ang nagsusuot ng mga nabanggit. Karamihan na ngayon ay sunod sa uso,tulad ng pananamit ng maiiksing palda,kapit na pantalon at iba pa na kasuotan lalo na kung imported o galing sa ibang bansa. Sa panliligaw naman, noong una ang mga lalaki ay nakasuot ng medyo pormal na kasuotan kapag manghaharana sa isang dalaga. Hindi biro noon ang panlilligaw. May iba pa na kailangang magsibak ng kahoy,mag-igib o magsalok ng tubig at magluto. Dahil sa pamamagitan nito masasabing seryoso ang isang binata sa panliligaw sa isang dalaga. Noon ding una kapag nahawakan ng isang binata ang kamay ng dalaga, kailangan niya itong pakasalan. Ngayon naman sa kasalukuyan, ang panliligaw ay di na gaanong mahirap,wala ng gaanong romansa. Mas madali ng maging magkarelasyon ang isang binata at dalaga sa pamamagitan ng panliligaw lamang sa text o kaya pagsusulat ng liham. Sa kabilang dako naman, masasabing mas maagap o mas masipag ang mga tao noon kaysa sa ngayon. Ito ay dahil sa ang mga tao noon ay di gumagamit ng modernong teknolohiya sa pagsasaka,at mga natural lamang ang kanilang ginagamit sa pagtatanim kayat ang mga lupa ay matataba at malusog. Sa ngayon karamihan ay tamad na dahil sa epekto ng modernong teknolohiya kung saan lubos silang umaasa kaya't hindi na gaanong nagagamit ang mga katawan sa pagbibilad sa sikat ng araw tuwing anihan at iba pang trabaho sa bukid. Dahil rito sinasabing mas malakas ang mga tao noon at mas mahaba ang buhay dahil sa pagiging maagap at di pag-asa sa modernong teknolohiya.
0